Walang dapat ipangamba ang mga producer ng 10 entries ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon.
Ito’y kaugnay sa tila nangyayaring pullout o pag-alis sa mga sinehan sa mga nakalipas na taon, kapag hindi pumapatok sa takilya ang isang MMFF entry.
Ayon kay Dondon Monteverde, ang pinuno ng online streaming na siyang mag-eere sa 2020 “magic 10” film fest entries, makakaasa ang mga producer na walang “first day, last day showing” sa pagkakataong ito kahit sa mga pelikulang hindi muli bebenta sa panlasa ng masa.
“I think we’ve covered that very well for the producers. Number one, we have unlimited screens and unlimited seats in Upstream, meaning we are able to have all the producers to enjoy the two-week run without them worrying na matatanggal ‘yung content nila anytime habang tumatakbo ‘yung festival,” saad ng nasabing Upstream head sa ABS-CBN.
Kabilang sa “magic 10” film fest entries ay yaong may “touch of drama” na:
“Fan Girl”
“The Boy Foretold By The Stars”
“Coming Home”
“Tagpuan”
“Isa Pang Bahaghari” at
“Suarez: The Healing Priest”
Nariyan din ang fantasy adventure film na “Magikland,” at comedy na “Pakboys: Takusa.”
Habang sa horror thriller ay “The Missing” at comedy theme na “Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim.”
Taliwas naman sa nakagawian, walang anomang entry si Vice Ganda na madalas ay tumatabo sa takilya.
Una nang naiulat na via online lamang mapapanood ang 46th MMFF entries bunsod ng coronavirus pandemic, ngunit ito ay itinakda sa mismong araw pa rin ng Pasko sa December 25.
Virtual o sa pamamagitan lamang din ng online mapapanood ang Parade of Stars at Gabi ng Parangal.
Noong nakaraang taon, big winner ang war drama entry na “Mindanao” matapos humakot ng 11 parangal, pero kabilang sa mga agad inalis sa ilang sinehan.