-- Advertisements --

Nauunawaan umano ng Malacañang ang resulta ng pinakabagong Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing 78 percent ng mga Pilipinong nasa tamang edad ang nababahala na maaaring sila o kilala nila ay maging biktima ng extrajudicial killings (EJKs).

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, resulta ito nang pinalalabas na napakalaking bilang ng drug-related killings sa bansa ng mga kritiko ng anti-drug war ng administrasyon.

Ayon kay Sec. Panelo, paulit-ulit nilang sinasabi na hindi kinukunsinti o pinapayagan ng administrasyon ang extrajudicial killings at nananatili ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis at
Philippine Drug Enforcement Agency agents na papatawan ng pinakamabigat na parusa kung lalabag sa kanilang mga operasyon.

Sa ngayon, patuloy aniya ang imbestigasyon sa mga reklamo at alegasyon ng extrajudicial killings para mapanagot ang mga responsable rito.

“We understand this concern of our people given the grossly inflated number of drug-related killings falsely peddled and grotesquely sensationalized by the incorrigible critics of the government’s campaign against prohibited drugs. For the umpteenth time, we do not tolerate EJKs nor knowingly allow them to happen. EJKs and vigilante killings are not State-sanctioned nor State-sponsored. The President’s position on any abuse committed by police officers and PDEA agents during their operations remains unchanged and immovable . Any transgression by them will reap the severest punishment imposed by law,” ani Sec. Panelo.

Sa panig ng Philippine National Police (PNP), kinuwestiyon ni PNP Chief Oscar Albayalde ang paraan ng pagtatanong sa nasabing survey na ginawa noong December 16 hanggang December 19.

Ayon kay Albayalde, malisyoso ang binitawang tanong ng SWS na direktang nagtuturo sa mga respondents na umayon sa kanilang pag-aaral.

Batay kasi sa survey question, tinatanong kung gaano nangangamba ang mga respondents kung sila o sino mang kilala nila ay maging biktima ng extrajudicial killing.

Ayon kay Albayalde, malinaw na misleading ang tanong lalo’t walang sapat na kaalaman ang respondents sa kahulugan ng EJK salig sa AO o Administrative Order No. 35 ni dating Pangulong Benigno Noynoy Aquino noong 2012. (with report from Bombo Analy Soberano)