Inihayag ni Health Secretary Ted Herbosa, ngayong Sabado, Hulyo 22, na ang pangangailangang magsuot ng face mask sa mga pampublikong transportasyon at mga ospital ay tila pinawalang-bisa na kasunod ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wakasan na ang COVID-19 emergency sa Pilipinas.
Idineklara ni Marcos na opsyonal na lamang ang pagsusuot ng face mask noong Oktubre sa pamamagitan ng Executive Order No. 7, maliban sa mga lugar tulad ng mga ospital, ambulansya, at mga pampublikong transportasyon.
Noong Biyernes, inilabas ng Pangulo ang Proclamation No. 297, na nagsasaad na ang lahat ng mga naunang order, memorandum, at issuances na epektibo lamang sa panahon ng State of Public Health Emergency ay hindi na magkakabisa.
Sinabi rin ni Herbosa na ang lahat ng established medical protocols ay tinanggal, maliban sa Emergency Use Authorization (EUA) na nauukol sa mga bakuna at ang pagbabayad ng mga hindi pa nababayarang dapat bayaran para sa Health Emergency Allowance.
Gayunpaman, inihayag ng Kagawaran ng Kalusugan na ang Inter Agency Task Force (IATF) ay magpupulong para sa isang final meeting upang pormal na tapusin ang public health emergency, at kasunod nito ay maghahanda na rin ng isang komprehensibong ulat.