-- Advertisements --

Maliban sa jeep at motorsiklo, patok ngayon sa Manila ang pag sakay sa kalesa ngayong Pasko.

Ang mga kutsero dito sa Luneta, imbes na magpasko kasama ang kanilang mga pamilya ay sinusulit ngayon ang trabaho dahil sa mataas na kita.

Kaya sa mga nagnanais na mag time travel ngayong Pasko, dito sa Luneta, pupuwede kang sumakay sa kalesa. Sa halagang 500, kalahating oras ka na ipapasyal ng mga kutsero sa buong park at isang libo naman kung isang oras.

Ilan sa mga nakapanayam naming kutsero na higit dalawa hanggang apat na dekada na sa kanilang trabaho ang nagsabing ngayong araw lang sa loob ng isang taon malakas ang kanilang kita.

Ayon kay Jaime Manuel, 26 taon ng kutsero, malakas ang kita nila ngayon pero kung ikukumpara noong wala pang pandemya ay mababa pa ang kita ngayong araw.

Umaabot aniya ang kita nila noon hanggang P9,000 sa isang araw, rason kung bakit niya napagtapos ang kanyang dalawang anak sa kanyang hanapbuhay na pagiging kutsero.

Ani Manuel, “Malakas ang kita pagka ganitong okasyon, lalong maganda noong nakaraan pa, noong araw kumikita kami ng P6,000 hanggang P9,000.”

Si Elmo Gregorio naman halos sa pangangalesa na umano tumanda, taong 1979 pa ng magsimula siyang maging kutsero.

Kaya naman sinulit niya ang araw na ito dahil dito lang sila kumikita ng malaki at baka bukas ay wala nanamang kita. Tiyagaan lang umano dahil kung walang tiyaga ay magugutom sila.

Kinakailangan umano nilang kumita ng higit isang libo dahil magbibigay pa sila ng 500 na boundery sa may ari ng kalesa at sa kasama niyang taga pakain umano ng kabayo. Sa normal na araw kadalasan saktomg 500 lang ang kita nila sa maghapon kaya naman masaya aniya sila ngayon na dagsa ang mga tao sa Luneta.