Iginiit ng isang election lawyer na hindi dapat makaantala sa paglilitis sa impeachment ni Vice President Sara Duterte ang pangangampaniya ng ilang Senador para sa 2025 midterm elections.
Sa isang statement, ipinunto ni Atty. Romulo Macalintal na minamandato ng 1987 Constitution na ang trial o paglilitis ay kaagad na magpatuloy sa oras na naihain na ang impeachment complaint sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Kayat hindi aniya isang valid excuse para sa kasalukuyang Senado na ipasa sa bagong Senado ang constitutional duty nito para agad na simulan ang proceedings nang walang pagkaantala.
Saad pa ni Atty. Macalintal na hindi parte ng job description ng sinumang Senador ang pangangampaniya na nakatakdang matapos na ang termino.
Katwiran pa ng election lawyer na ang mga incoming Senator ng bagong Congress ay hindi nakatali sa mga aksiyon at deliberasyon ng kanilang predecessors dahil ang pinaka-rule aniya ng kasalukuyang Senado na nakapaloob sa Section 123, Rule 44 ay lahat ng nakabinbing usapin at proceedings ay mate-terminate sa oras na matapos na ang isang Kongreso subalit ang mga ito ay itratrato na parang inihain sa unang pagkakataon.
Tanong ni Atty. Macalintal kung hindi ba nauunawaan ng kasalukuyang Senado ang sarili nitong mandato na ang impeachment case laban kay VP Sara na nasa kamay na ng Mataas na Kapulungan ay ituturing na terminated sa oras na matapos na ang kasalukuyang Congress sa Hunyo 30 at ang kaso ay hahawakan na ng incoming Senate at ituturing ang naturang kaso na parang unang beses pa lang inihain.
Samakatuwid, isa aniya itong paglabag sa constitutional provision kung saan walang impeachment proceedings ang dapat simulan laban sa parehong opisyal ng mahigit sa isang beses sa loob ng isang taon.
Matatandaan na nauna ng ipinaliwanag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na para mag-convene ang Senado bilang impeachment court kailangang may nagpapatuloy na sesyon sa kapulungan na magbibigay daan sa Senator judges na manumpa.
Nauna ng sinabi ng Senate President na maaaring mangyari ito sa Hunyo 2 sa oras na mag-umpisa ang sesyon pagkatapos ng 2025 midterm elections.
Subalit kamakailan, sinabi ni SP Escudero na posibleng pagkatapos na ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo simulan ang impeachment trial kay VP Sara Duterte.