Ginawaran ng Commission on Elections (Comelec) ng otoridad si Comelec Chairman Saidamen Pangarungan na magdeklara ng “under Comelec control” sa mga lugar na kabilang sa election areas of concern ng komisyon.
Ayon kay Pangarungan, noong Abril 6 ay binigyan siya ng awtorisasyon ng kanyang mga commissioner hinggil dito para sa mas mabilis na aksyon lalo na kapag ang ilang mga lugar ay kinakailangang ilagay sa ilalim ng kontrol ng Comelec dahil sa mga karahasan o malawakang pandaraya.
Samantala, tiniyak naman ng Comelec chairman ang publiko na hindi niya aabusuhin ang mandatong ito na ipinagkaloob sa kanya at bagkus ay gagamitin lang daw niya ito sa mga urgent meritorious cases lamang.
Magugunita na una nang sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Undersecretary Jonathan Malaya na ang naitalang 300 areas of concerns sa national at local elections ng taong ito ay 68.28 percent na mas mababa kumpara sa 946 areas of concerns na una nang naitala ng kagawaran noong 2019 elections.