-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Tuloy-tuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng Pangasinan Maritime Police Station sa iba’t ibang mga opisina gaya na lamang ng local disaster offices at emergency response teams bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa panahon ng tag-ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Nemecio Vocal, Jr., Station Chief ng nasabing tanggapan, sinabi nito na inaatasan na nila ang kanilang mga tauhan na magsagawa ng regular na coastal monitoring at gayon na rin ng information dissemination sa publiko.

Partikular sa kanilang mga pinaaalalahanan ay ang mga residente na nakatira sa mga baybaying lugar lalong lalo na sa mga hakbangin na dapat nilang gawin sa oras ng malalakas na pag-ulan o bagyo.

Aniya na pagdating sa pagiging handa ay mayroon silang sapat na mga kagamitan sa oras na kailanganin nila na rumesponde gaya na lamang ng rubber boats, floatation devices, motorized bangka, at marami pang iba.

Samantala, sa kasalukuyan ay may umiiral na gale warning sa mga katubigan ng lalawigan kaya’t pinapayuhan nila ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot.

Nagpaalala naman ito sa publiko na manatiling mapagmatyag at maki-update sa mga balita sa panahon nang sa gayon ay mapaghandaan ang anumang banta ng sama ng panahon.

Sa kasalukuyan naman ay wala pa silang naitatala na anumang drowning incident sa lalawigan.