BOMBO DAGUPAN – Patuloy pa ring nakikipag-ugnayan ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga lokal, national at provincial agencies bilang parte pa rin ng monitoring sa epekto ng bagyong Egay at paghahanda sa posibleng pananalasa ng Severe Tropical Storm Falcon.
Ayon kay Vincent Chiu, Head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, sa kasalukuyan ay nasa higit isang libong pamilya o katumbas ng 4,000 na mga indibidwal ang nananatili sa mga inihandang evacuation areas ngunit ang ilan aniya sa mga ito ay nagsisimula ng magsiuwian sa kani-kanilang mga bahay.
Magkasanib pwersa na rin ang response team mula sa Philippine Army, Philippine Coastguards, Philippine National Police, at search and rescue team at may mga naka-deploy na rin sa syudad ng Dagupan at bayan ng Calasiao na lubhang nakakaranas ngayon ng mga pagbaha.
Nag-umpisa na rin ang kanilang pamamahagi ng relief goods sa lalawigan lalo na sa mga bayan na binaha.
Sa kasalukuyan ay ang bayan ng Calasiao, Mangatarem, Sta. Barbara at syudad ng Dagupan pa lamang ang nagdeklara ng state of calamity at tinitiyak pa nila kung nagdeklara na rin ang ibang mga bayan at munisipalidad.
Bukod dito minomonitor din nila ang mga passable na kakalsadahan.