BOMBO DAGUPAN- Tiniyak ng Pangasinan Police Provincial Office na nagpapatuloy ang kanilang isinasagawang Commission on Elections (COMELEC) checkpoint bilang bahagi ng paghahanda ng lalawigan para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa darating na Oktubre 30.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Renan Dela Cruz, Public Information Officer ng naturang tanggapan, sinabi nito na mahigpit nilang isinasagawa ang mga mandato upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng bawat isa, lalong lalo na ang mga tatakbong kandidato.
Aniya, isa sa pinakamahigpit nilang tinututukan ay ang tamang paggamit at pagdadalat ng armas kasabay ng ipatutupad na Election Gun Ban
kung saan ay naghihigpit sila sa pagsusuri ng mga dokumento at sertipikasyon ng mga nagmamay-ari ng baril at pati na rin sa mga pumapasok dito sa lalawigan..
Kaugnay nito ay hinihikayat naman ni Dela Cruz ang lahat ng mga residente ng lalawigan na nagmamay-ari ng baril na expired na ang lisenysa at hindi pa nakakapagpa-renew na magtungo sa License To Own and Possess Firearm (LTOPF) Caravan ngayong araw sa San Carlos City o ‘di naman kaya ay makipag-ugnayan sa himpilan ng San Carlos City Police Station.
Ang hakbangin na ito ay bilang bahagi naman ng nagpapatuloy na kampanya ng Commission on Elections para sa malinis at ligtas na halalan.
Pinaalalahanan naman nito ang mga indibidwal at mga elected officials na may baril na wala pang kaukulang dokumento na magtungo sa caravan o maaari ring i-surrender muna ang mga baril sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.