DAVAO CITY – Binura ng atleta mula Region 1 ang kanyang sariling record sa high jump secondary boys event sa ikatlong araw ng Palarong Pambansa 2019 sa Lungsod ng Davao.
Nagtala ng bagong record na 2.02 meters ang Pangasinense athlete na si Kent Bryan Celeste, at binasag ang sariling record na 1.99 meters na naitala niya noong Palaro 2018 sa Ilocos Sur.
Gayunman, naging emosyunal ang 18-year-old athlete dahil inamin nitong nangungulila ito sa kanyang mga magulang, na iniwan siya noong ito’y bata pa.
Aniya, gusto niya patunayan sa kanyang mga magulang na hindi wasto ang kanilang ginawang pag-iwan sa kanya.
Nagpasalamat naman si Celeste sa kanyang coach at sa lola nito na suportado siya sa kanyang pagsabak sa Palaro.
Samantala, nakontento sa silver medal si Shane Patrick Tolentino (1.97) ng Region 3, habang bronze naman kay Patrick Botabata (1.88) ng Region 4-A.