CEBU CITY – Patay na nang makita ang pangatlong missing sa trahedyang nangyari sa Tinubdan falls sa Barangay Tabili, lungsod ng Catmon, Cebu.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Catmon Municipal Councilor Dan Jusay, kinumpirma nitong nakita ng mga rescuer si Jacel Alastra, 32, sa karagatan na sakop ng Camotes Island at bayan ng Carmen, Cebu.
Si Jacel ay ang ina ni Princess Alastra, 7, na nakita rin ang bangkay sa Sitio Kulo, Barangay Duyan, bayan ng Catmon, kahapon.
Sa tatlong missing, unang nakita ang bangkay ng 17-anyos na si Kent Jude Monterola, sa Sitio Kansija, Barangay Flores sa nasabing bayan.
Ayon kay Councilor Jusay, kinumpirma ng asawa ni Jacel ang bangkay sa pamamagitan ng singsing nito.
Aniya, nakita na si Jacel na walang damit, at lomobo na ang katawan na nagpalutang-lutang sa karagatan.
Kung maalala, masayang nag-bonding pa ang mga biktima kasama ang kanilang pamilya ngunit pasado ala-una ng hapon sa araw na Linggo ay biglang nangyari ang hindi inaasahang trahedya.
Nabatid na death anniversary ang inalala ng nasabing pamilya, rason ng kanilang isinagawang family gathering sa nasabing talon.