LA UNION – Isa na namang seaman ang nagpositibo sa sakit na COVID-19 sa La Union.
Isa itong 35-anyos at unang kaso na naitala sa bayan ng Tubao, ngunit pangatlo na itong seafarer na nagpositibo ng COVID sa lalawigan.
Ayon sa official statement ng LGU-Tubao, dumating ang pasyente sa kanilang lugar sa Barangay Ammalapay, noong buwan pa ng Pebrero, ngunit bumiyahe ito noong June 24 patungong Maynila para sa kanyang medical examination.
July 1, 2020 nang kuhanan ng RT-PCR test at lumabas ang resulta noong July 4, na nagkumpirmang positibo ito sa COVID-19 ngunit asymptomatic ang pasyente.
Para ma-contain ang pagkalat ng virus, agad isinailalim ni Mayor Jonalyn Fontanilla-Piayas sa lockdown ang Purok 18, Brgy. Amallapay, Tubao, La Union.
Ipinatupad din ang liquor ban habang naka-lockdown ang lugar ‘until further notice.’
Sinimulan na rin ng contact tracing team na i-identify ang mga naka-close contact ng pasyente para ma-monitor ang kondisyon ng mga ito.
Sa ngayon, ang La Union ay mayrooon nang kabuuang 25 COVID cases, kabilang na ang dalawang active case, 18 ang recoveries at nanatiling lima ang namatay sa deadly virus.