Nilinaw ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority na tuloy pa rin ang panghuhuli nila ng mga e-bikes na daraan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Kabilang sa kanilang huhulihin ay ang mga lalabag na tricycle, pedicab, e-bikes, e-trikes at iba pang kahalintulad nito.
Paliwanag ng MMDA, tanging ang pag-iisyu ng ticket, paniningil ng multa maging ang pag-iimpound na mga e-bikes ang suspindido batay na rin yan sa kautusan ni PBBM.
Ayon kay MMDA acting chairman Don Artes, sa sandaling magmatigas ang mga mahuhuling driver ng mga tinukoy na sasakyan ay sasampahan nila ito ng mga reklamo gamit ang ibang batas.
Nananawagan din ito sa publiko partikular na sa mga gumagamit ng naturang mga sasakyan na huwag abusuhin ang ipinakitang kabutihan ng Punong Ehekutibo.
Palalakasin naman ng MMDA ang kanilang information drive sa loob ng isang buwang palugit upang maintindihan ng publiko ang mga guidelines na kanilang ipinalabas hinggil sa pagbabawal sa mga ebikes.
Kabilang sa ituturo ng MMDA ay pangangailangan na kumuha ng rehistro at driver’s license ang sinumang mag mamay-ari at magmamaneho ng mga ito.