Naniniwala si Sen. Francis Pangilinan na ipinakita ng maagang pagtuturok ng hindi otorisadong bakuna laban sa COVID-19 ng mga security personnel ng Pangulong Rodrigo Duterte ang umano’y kakulangan ng malinaw at patas na plano upang mapigil ang pagkalat ng virus.
Sa isang pahayag, kinuwestiyon ni Pangilinan ang maagang pagpapabakuna ng ilan sa mga kasapi ng Presidential Security Group (PSG).
“Vacc-it nauna sila? Di ba meron ng guidelines ng mga mauuna sa mga bakuna kontra sa COVID na IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases) din ang naglabas? Di ba dapat mauna ang health frontliners? Vacc-it sinusuway ang sariling patakaran? Pati ang patakaran ng Food and Drug Administration (FDA) na kailangang suriin kung mabisa at ligtas nga ang mga ito ay sinusuway rin,” saad ni Pangilinan.
Maging ang aniya’y magkakasalungat na mga pahayag ng mga opisyal ng gobyerno tungkol sa isyu ay pinuna rin ng mambabatas.
“Nakakalungkot na kahit nariyan na ang vaccine czar na si [Carlito] Galvez na sa aking paniwala ay may kakayahan at dapat in charge sa vaccine rollout ay kanya-kanyang kilos pa rin at kanya-kanyang magkasalungat na paliwanag sa ligalidad at mga opisyal na posisyon ng mga ahensya ng gobyerno ang lumalabas,” ani Pangilinan.
Hinimok naman nito ang mga opisyal ng naturang mga ahensya na magtulungan upang maging iisa ang tutunguhing direksyon.
“Sabi ng IATF mauuna ang mga medical frontliners pero hindi naman ito sinusunod ng Malacañang at ng AFP. Sabi ng FDA at ng Customs iligal yung mga pinasok na vaccine. Sabi naman ni [Presidential spokesperson] Harry Roque walang nangyaring iligal. Sabi nga sa social media dapat bumuo sila ng group chat para iisa lang ang direksyon nila,” dagdag nito.
Nakatakdang magsagawa ang Senado ng pagdinig ngayong buwan tungkol sa COVID-19 vaccination plan ng pamahalaan.
Una nang iminungkahi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ipatawag sa pagdinig si PSG Commander Brig. Gen. Jesus Durante III upang pagpaliwanagin kaugnay sa kontroberysal na pagpapabakuna ng kanyang mga tauhan.
Kaugnay niyan ay inatasan na rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa naturang isyu.