-- Advertisements --

Hindi bibigyan ng pagkakataon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga miyembro ng CPP-NPA NDF sa kanilang plano para mangikil sa mga kandidato ngayong nagsimula na ang campaign period.

Direktiba ni AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal sa mga ground commanders na palakasin ang kanilang seguridad at opensiba laban sa komunistang grupo.

Sa panayam kay Madrigal, sinabi nito na kanilang tututukan din ang mga planong pagkilos ng mga rebelde na posibleng samantalahin ang pagkakataon para makapangalap ng pondo.

Giit nito na kilala na aniya ang NPA sa pangongolekta ng campaign fees kaya’t hinimok nila ang mga Kandidato na makipag-ugnayan sa mga otoridad sakaling sila ay kinikikilan.

Samantala, ayon naman kay Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato, umaabot sa daang milyong piso ang nakokolekta ng NPA mula sa mga kandidato.

Kaya babala ng AFP, sakaling mapatunayan na nagbigay nga sila sa NPA at sila’y nanalo sa darating na halalan, hahabulin din ang mga ito at maaaring sampahan ng kasong paglabag sa Revised Penal Code dahil sa pagtulong sa mga kalaban ng estado.