-- Advertisements --

Naiuwi na ng pamilya ang bangkay ng dalawang nasawing rebelde matapos nakasagupa sa grupo ng militar sa Sitio Pagas, Brgy. Ayabang, Leon, Iloilo.

Natukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang namatay na sina John Eric Talibo, 26, residente ng Barangay Indaluyon, Igbaras,Iloilo at Jenny Fariolan, residente ng Cabalaunan, Miagao.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Captain Ryan Espejo, civilian monitoring officer ng 61st Infantry Battalion, sinabi nitong tumagal ng limang minuto ang palitan ng putok bago nag-withdraw ang grupong pinaniniwalaang mula sa Sibat Platoon, Southern Front, Komiteng Rehiyon-Panay.

Ayon kay Espejo, nasa apat na mga rebelde ang kabilang sa engkwentro.

Bago ang bakbakan, may impormasyon umano kaugnay sa presensya ng armadong grupo sa naturang lugar kung saan nangingikil ng pera ang mga ito.

Wala namang naiulat na may nasawi sa panig ng pamahalaan.

Kabilang sa mga na-recover sa encounter site ay ang homemade M16 rifle; dalawang homemade shotguns; isang 45 cal pistol; apat na backpacks; at extorsion letter na ginagamit umano ng NPA sa kanilang extortion activities.