BOMBO DAGUPAN – Patuloy na ipinapanawagan ng Pangisda Pilipinas sa pangunguna ng National Chairperson nito na si Pablo Rosales, na itigil na ang importasyon.
Ito ay kaugnay sa planong pag-aangkat ng pamahalaan ng 35,000 metrikong toneladang isda sa palengke dahil nakapipinsala ito sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Aniya, mas maiging maglaan na lamang ng mga programa o pondo para ma-rehabilitate ang karagatan kung saan madalas na ito ang ginagamit na dahilan kung bakit kinakailangang mag-import ng isda.
Marami pa aniya silang maaaring makuhang mga isda lalo na sa parte ng West Philippine Sea.
Ang problema lamang, hindi pa rin tumitigil ang Chinese fishing vessel sa pag-angkin ng karagatang ito sa kabila ng pag-ban sa mga ito na mangisda sa naturang karagatan.
Pagbibigay-diin nito na wala aniyang problema kung kinakapos ng ani ng isda dahil mayroong mga parte sana na maaari pang pagkunan nito ngunit nawawalan ng kalayaan ang mga mangingisdang Pilipino na pumalaot sa mga karagatang pilit na sinasakop ng China.
Samantala patuloy pa rin umano silang mangingisda sa sariling teritoryo habang pinahihintulutan pa ng panahon sa kabila ng patuloy na pag-aangkin ng mga Chinese Coast Guards.
Dagdag pa nito na dapat na mag-concentrate o bigyang pokus ng pamahalaan ang mga lokal na produksyon ng bansa hindi lamang sa pangingisda at sektor ng agrikultura kundi maging sa iba pang mga sektor.