BOMBO DAGUPAN – Magsasagawa ng iba’t ibang mga fluvial protest ang mga grupo ng mangingisda sa pangunguna ng PANGISDA-Pilipinas ngayong araw upang ipaabot ang kanilang panawagan sa pamahalaan.
Ang protestang ito ay may temang “Ang Pangisdaan ay para sa Tao at Kalikasan, Hindi para sa Negosyo!”.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pablo Rosales, ang PANGISDA-Pilipinas National Chairperson, ang patuloy na kinakaharap na problema sa mga palaisdaan ang isa sa mga dahilan na nagtulak sa kanila upang isulong ang naturang protesta sa kabila ng pagkakaroon ng RA 8550 o ang Fisheries Code ng Pilipinas na dapat sanang pumuprotekta sa kapakanan at kagalingan ng sektor ng mga mangingisda.
Ito ay kaugnay sa patuloy na suliraning nararanasan ng mga mangingisdang Pilipino mula sa kamay ng mga mapagsamantalang mga negosyante.
Binigyang halimbawa niya ang patuloy na pananakop ng mga Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea na pagmamay-ari ng Pilipinas na dapat sana, ang mga mangingisdang Pilipino ang malayang nagtatamasa.
Tinukoy din ni Rosales na hindi naman napipigilan ng RA 8550 ang paggamit ng mga mapanirang pamamaraan ng pangingisda maging sa pagpapalit ng gamit ng karagatan kung saan marami sa mga ito ang tinatambakan at ginagawang lupa.
Itinuturing ito ng kanilang hanay bilang pagpatay sa karagatan at sa mga mangingisda kung kaya’t aniya, kinakailangan na nilang kumilos upang mapigilan ang tuluyang pagkasira ng kalikasan.
Ibinahagi rin ni Rosales na marami nang mga mangingisda partikular sa parte ng Zambales, Pangasinan at La Union ang nangangambang tumigil na sa hanapbuhay dahil pahina na nang pahina ang kanilang kinikita.
Dagdag pa nito na kanilang isasagawa ang protesta sa mga baybayin ng Manila Bay at Tayabas Bay sa ganap na ika-7 ng umaga sa apat na mayor na assembly points.