Umaasa si Senate Committee on Cooperatives Chairman Senadora Imee Marcos na magkaroon pa rin ng pangkalahatang diskusyon at konsultasyon sa lahat ng stakeholders ng PUV modernization program ng pamahalaan.
Ang bahagi ng pahayag ni Senadora Marcos ay makaraang sabihin ng kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos Jr na wala ng extension o pagpapalawig sa itinakdang deadline na April 30 para sa PUV consolidation.
Bagamat nagpahayag ng pasasalamat ang Senadora sa kanyang kapatid sa pagdaraos ng transport summit kinakailangan pa rin aniyang kausapin ang mga tsuper, estudyante, konsyumer at mga maaapektuhan sa programang modernisasyon.
Bukod dito, naniniwala ang mambabatas na kaya napupurnada ang naturang programa ay dahil hindi pa ganap na nasosolusyunan ang mga isyu ng transport sectors dahil sa pondo ng modernong jeepney at membership requirement ng transport cooperatives.
Una nang naghain si Marcos ng isang resolusyon upang dinggin ang usapin patungkol sa pagpapatupad ng PUV modernization program.
Base sa inihaing senate resolution 893 ni Senadora Marcos, binigyang-diin nitong kailangan nang tama at masusing assessment ng programa.
Pinunto ni Senadora Marcos ang ilang kritisismo at pangamba ng iba’t ibang transport groups sa naturang programa.
Kailangan aniyang bigyang pansin ang nakaaalarmang bilang ng mga PUV na hindi nakasunod sa consolidation para hindi maapektuhan ang mga komyuter at ang public transportation sa Pilipinas.