-- Advertisements --

Inatasan ni PNP chief Oscar Albayalde si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director C/Supt. Guillermo Eleazar na tutukan ang imbestigasyon kaugnay sa umano’y panggugulpi ng limang pulis sa isang guro sa lungsod ng Pasay.

Sinabi ni Albayalde, paglabag sa kanilang alituntunin ang mambugbog ng isang motorista na dahil sa hindi lamang nakasuot ng helmet sa isang checkpoint.

Hinihikayat ni PNP chief ang publiko na isumbong sa kanila ang mga ginagawang pang-aabuso ng mga pulis.

Tiniyak nito sa publiko na bukas ang kaniyang tanggapan para tumanggap ng anumang reklamo.

Giit nito, hindi aniya nila kukunsintihin ang mga maling gawain ng kanilang mga kabaro.

Sa kabilang dako, ipinag-utos na ni Eleazar kay Pasay City Police chief S/Supt. Noel Flores ang pagsibak sa limang pulis na itinuturong responsible umano sa pambubugbog ng isang motorista sa checkpoint.

Ang limang sinibak na pulis ay pawang mga miyembro ng Police Community Precinct 5 na nasa boundary ng Makati at Pasay City.

Kinilala ang limang sinibak na pulis na sina SPO2 Basir Amil; PO1 Arvin Genove; PO1 Welma Delight Decena; PO1 Angelica Torres; at PO1 Madonna Biasura.

Ayon kay Eleazar, ang pagsibak sa limang pulis ay isinagawa upang bigyang-daan ang ongoing investigation kung saan ang biktima ay natukoy na isang guro.