-- Advertisements --
Marcos BBM PBBM DA meeting

Hinihikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos ang mga Pilipino na bisitahin ang mga tourist spot sa bansa sa panahon ng All Saints’ and All Souls’ Days, na sinasabing magbibigay ito ng kita sa mga lokal na ekonomiya at makatutulong sa pagbangon ng ekonomiya.

Binigyang-diin ni Marcos na ang turismo ay isa sa mga pangunahing sektor sa pagpapasigla ng ekonomiya, lalo na sa kanayunan dahil maaari itong lumikha nang mas maraming trabaho.

Ang Oktubre 31, ang bisperas ng All Saints’ Day, ay idineklara bilang special non-working holiday sa pamamagitan ng Proclamation 79 na nilagdaan ni Marcos noong Oktubre 18.

Sinabi ng Pangulo na ang gobyerno ay naghahanap ng mga paraan upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ngunit ang mga turista ay nag-aambag nang malaki sa naturang mga pagsisikap dahil ang pera na kanilang ginagastos ay napupunta sa mga lokal na ekonomiya.

Nangako rin siya na pagbutihin ang pag-access sa mga lugar na may potensyal na turismo, na binanggit ang pagpapalawak ng runway ng Ormoc airport, na nilayon upang makaakit nang mas maraming bisita at magsulong ng aktibidad sa ekonomiya sa Eastern Visayas.

Magugunitang, nag-post ang domestic tourism ng 37,279,282 trips noong nakaraang taon, mas mataas ng 38.16 percent kumpara sa 26,982,233 trips na naitala noong 2020, base sa datos ng Department of Tourism (DOT).