Nakatakdang makipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping sa darating na Abril 8.
Ipinahayag ito ng pangulo sa kanyang naging talumpati sa harap ng mga opisyal at miyembro ng National Task Force and Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Dito muling sinabi ng pangulo na ayaw niyang madamay ang Pilipinas sa anumang giyerang nangyayari sa labas ng Pilipinas dahil sa magiging malubhang epekto nito sa ating bansa.
Muli rin niyang iginiit na mananatiling “neutral” ang Pilipinas sa nangyayaring digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine kasabay ng paggiit na hinding-hindi siya magpapadala ng mga sundalong Pilipino sa anomang giyera dahil wala aniyang kinalaman ang ating bansa rito.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung pisikal ba o sa pamamagitan ng phone o video call mag-uusap ang dalawang pangulo.