-- Advertisements --

Handang ipatigil umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng e-sabong o online sabong sa bansa sa isang kondisyon.

Ito ay kung mapapatunayan na ang mga manlalaro nito ay nagsasangla na ng kanilang mga personal na ari-arian nang dahil sa pagkalulong dito.

Ipinahayag ito ni Pangulong Duterte sa kanyang naging talumpati sa groundbreaking ceremony ng Overseas Filipino Workers Center na ginanap sa Las PiƱas City.

Ayon sa pangulo, handa siyang isakripisyo ang bilyun-bilyong posibleng kitain ng gobyerno mula sa e-sabong.

Paliwanag ng pangulo, pinayagan lamang niya ang naturang sabong dahil nakapagbibigay ito ng nasa P340 milyon na kita kada buwan na kinakailangan naman ng pamahalaan bilang pangtustos sa budget ng bansa.

Samantala, hindi man binanggit ang usapin hinggil sa kaso ng mga nawawalang sabungero ay inatasan na ng presidente ang pulisya na resolbahin ang krimen na kinasasangkutan ng maraming personalidad.

Magugunita na una nang hiniling ng mga senador na suspindihin na ang operasyon ng e-sabong ng dahil pa rin sa umano’y kaso ng 31 nawawalang sabungero.