DAVAO CITY – “Wala kayong pakialam.”
Ito naging ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa alegasyon na bumiyahe umano siya papuntang Singapore para magpagamot.
Ayon sa punong ehekutibo, wala umanong rason para itago niya ang kanyang mga biyahe at kung personal ang pagbisita niya sa ibang bansa.
Hindi niya umano gagamitin ang pera ng gobyerno.
Iginiit ng Pangulo na wala siyang pambayad sa kanyang entourage kung bibisita siya sa ibang bansa dahilan na dapat na umanong itigil ang mga “nonsense” na paratang laban sa kanya.
Kung sakaling lalabas siya ng bansa, maaari umano siyang mag-file ng leave of absence at temporaryong iiwan ang kanyang posisyon sa bise presidente o sa iba pang opisyal ng pamahalaan.
Dagdag pa ng Pangulo na hindi siya “istupido” para gawin ang nasabing bagay at hindi niya obligasyon na isikreto ang isang biyahe lalo na kung hindi niya pera ang gagamitin.
Sinabi rin ng punong ehekutibo na hindi ngayon ang panahon para bumiyahe o pumunta sa ibang lugar lalo na kung may kinaharap na problema ang bayan.