ROXAS CITY – Kasabay ng pag-amin na walang malaking pondo ang gobyerno, tiniyak pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaabutan ng tulong ang mga biktima ng Bagyong Agaton sa Capiz.
Pahayag ito ng pangulo sa personal na pagbisita sa nasabing lalawigan kahapon, Sabado de Gloria.
Si Pangulong Duterte rin ang nanguna sa pamimigay ng food packs sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development.
Sa kanyang talumpati sa Barangay Poblacion Tacas, bayan ng Pontevedra, sinabi rin nito na dapat ay bumaba na sa mga kabundukan ang mga miyembro ng rebeldeng grupo at bibigyan niya ito ng kabuhayan.
Sa huli, inihayag ng pangulo na hinihiling at ipinapanalangin nito na mahigitan pa ng susunod na administrasyon ang kanyang nagawa para sa Pilipinas.
Sa kabilang dako, pinangunahan din ni Pangulong Duterte ang groundbreaking ceremony ng Capiz Multi-purpose Evacuation Center-Phase 1 sa Barangay Lawaan, Lungsod ng Roxas.
Sinasabing ito ang pinakamalaking evacuation/convention Center sa buong Western Visayas.
Dumalo rito si Senator “Bong” Go, gayundin si Capiz Governor Esteban “Nonoy” Contreras, at iba pang national and local government officials.