VIGAN CITY – Pangungunahan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inagurasyon ng bagong by-pass road sa Candon City, Ilocos Sur ngayong araw.
Base sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula kay Candon City Information Officer Leoncio “Jun” Balbin, sinabi nito na nitong Martes pa umano mayroong mga dumating galing sa Malacañang na nakikipag-ugnayan sa LGU- Candon City na pinangungunahan ni Mayor Ericson Singson, pati na sa opisina ni Ilocos Sur 2nd District Congressman Kristine Singson- Meehan para sa nasabing aktibidad.
Ang nasabing by-pass road ay nagkakahalaga umano sa P500 milyon na ipinatayo upang mabawasan ang trapiko sa mismong sentro ng lungsod.
Ngayong araw pa lamang pormal na mabubuksan sa publiko ang nasabing kalsada ngunit dinadaanan na ito ng ilang mga light vehicles na gustong makaiwas sa trapiko.
Dinadaanan ng nasabing kalsada ang ilang mga barangay ng lungsod kagaya na lamang ng Barangay Tablac, Bagani, Paryok hanggang sa Ayudante.
Maliban sa mababawasan ang trapiko sa mismong sentro ng lungsod, sa pamamagitan din umano ng nasabing by-pass road ay mababawasan ang oras ng biyahe sa mga pupuntang Manila at Baguio.