DAVAO CITY – Tinalakay ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpayag ng pamahalaan na makaalis na ng bansa ang mga health workers na may existing contract sa kanilang mga employer sa abroad at ang pagbwelta sa kanyang mga kritiko.
Sa kanyang public address na isinagawa sa Presidential guest house sa Panacan sa lungsod, kanyang sinabi na hindi niya gustong ma-offend ang mga nurse at doktor na gustong mag-abroad para mas kumita ng malaki ngunit humiling ito sa ibang mga health workers na manatili muna sa bansa lalo na at apektado rin tayo sa krisis ng COVID-19.
Samantala pinasaringan ng Pangulo ang mga kritiko ng administrasyon lalo na ang mga hindi kontento sa ginagawang pagsusumikap ng pamahalaan para labanan ang COVID crisis.
Pinaninindigan ng Punong ehekutibo na ang pagsunod sa mga health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, paghugas ng kamay at pagkakaroon ng bakuna ang solusyon laban sa virus.
Patuloy naman na dinepensahan ng Pangulo si Health Sec. Francisco Doque sa kanyang mga kritiko na halos hindi na umano natutulog ang kalihim para lamang magawa ang kanyang trabaho.
Sinabi rin ni Pangulong Duterte na kung magkakaroon na ng bakuna sa buwan ng Enero 2022, handa umanong mangutang ang bansa at bibigyan ng prayoridad ang mga mahihirap na kababayan.
Nagbiro rin ang opisyal na maaari rin na maka-avail sa nasabing bakuna ang mga drug addict at mga miyembro ng New People’s Army (NPA).