DAVAO CITY – Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na suportado ng pamahalaan ang mga hakbang ng Department of Education (Deped) lalo na sa mga kabataang Pilipino na may potential sa sports.
Sa isinagawang opening ceremony ng Palarong Pambansa 2019, malugod na tinanggap ng Pangulo ang mga guest of honor at mga delegado mula sa 17 rehiyon sa bansa.
Kabilang sa mga dumalo sa opening si Education Secretary Leonor Magtolis-Briones na pinasalamatan si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang suporta sa departamento.
Ito na ang ikatlong sunod-sunod na taon na dumalo ang education secretary sa opening ng palaro.
Samantalang pinasasalamatan din ni Pangulong Duterte ang lokal na pamahalaan ng Davao City sa pag-host sa Palarong Pambansa na huling nag-host noong 1950 o 69 na taon na ang nakakaraan.
Aabot sa 14,000 na mga atleta mula sa 17 rehiyon sa bansa ang dumalo sa grand opening.
Makulay naman ang opening ceremony dahil napuno ito ng mga cultural presentations at local performances.
Isa rin sa mga tampok sa grand opening ang skydiving performance ng isinagawa ng mga miyembro ng Philippine Air Force (PAF).