Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palalakasin ang partnership sa mga bansang nagho-host ng mga Overseas Filipino worker (OFWs).
Sinabi ni Marcos na titiyakin ng pambansang pamahalaan ang proteksyon ng mga OFW at kanilang mga pamilya sa Pilipinas bilang paraan ng pagkilala sa kanilang mga kontribusyon sa bansa.
Patuloy umano nilang palalakasin ang relasyon sa mga opisyal ng host country.
Nauna nang nakipagpulong si Marcos sa diplomatic corps para sa tradisyonal na vin d’honneur na ginanap sa Malacañang.
Sinabi rin ng Pangulo na ang pambansang pamahalaan ay magbibigay ng scholarship at pabahay sa mga pamilya ng mga OFW.
Dagdag pa niya sisikapin pa ng gobyerno na bumuo ng isang matatag na ekonomiya upang maging kaakit-akit na tirahan at trabaho ang Pilipinas kapwa sa mga dayuhan at sa sarili nitong mga mamamayan.
Matatandaan na ang nakaraang administrasyon ay naghangad na dalhin ang bansa sa katayuan ng upper-middle income sa 2020, ngunit ang ekonomiya ay bumagsak dahil sa pandemya ng COVID-19.
Sa ilalim ng na-update na mga pamantayan ng World Bank, ang isang upper middle-income na ekonomiya o bansa ay may gross national income (GNI) per capita na nasa pagitan ng $4,046 at $12,535.
Samantala noong 2019, ang Pilipinas ay ikinategorya bilang isang lower-middle-income country na may GNI per capita na nasa pagitan ng $1,006 at $3,955.