Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 1-year moratorium para sa pagbabayad ng land amortization at interest ng mga agrarian reform beneficiaries.
Ayon sa Department of Agrarian Reform (DAR), ang naturang executive order ay bilang paghahanda para sa katuparan ng panibagong commitment ng Marcos administration kung saan nakatakda ring magpasa ang Kongreso ng isang panukalang batas para sa pag-condone ng loans ng agrarian reform beneficiaries na may hindi pa nababayarang amortization at interest.
Sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella III na kanilang palaging isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga magsasaka kung kayat malaking bagay din ito para mapalaya ang mga magsasaka mula sa pagkakalubog sa utang dahil sa halip na babayaran nila ang kanilang lupa ay gagamitin na lamang nila bilang karagdagang puhunan upang mas mapabuti pa ang kanilang pagsasaka at mas marami ang kanilang aanihin at mas malaki ang kanilang kikitain.
Una ng napag-usapan sa cabinet meeting noong nakalipas na buwan, tinalakay ng Pangulo kasama ang iba pang mga opsiyal kung paano matutulungan ng gobyerno ang mga agrarian reform beneficiaries.
Kabilang sa mga interventions na natalakay ang pagbalangkas ng isang batas sa paggawad ng condonation sa pagbabayad ng amortization fees at interest sa loans ng mga agrarian reform beneficiaries gayundin ang pagbibigay ng legal assistance para sa kanilang land dispute.