ILOILO CITY – All set na ang lalawigan ng Antique sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ngayong araw.
Kasabay ng pagbisita ng pangulo sa San Jose de Buenavista, asahan naman ang pangunguna nito sa pamimigay ng iba’t-ibang mga tulong sa mga nasalanta ng bagyong Paeng sa 1,200 na mga benificiaries.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Antique Governor Rhodora Cadiao, sinabi nito na hihilingin niya sa pangulo na palitan ang mga lumang tulay sa lalawigan na nasira ng bagyo lalo na ang Paliwan Bridge na nagdudugtong sa bayan ng Bugasong at Laua-an.
Hihilingin rin ng gobernadora sa chief executive na magawan ng flood control project ang kanilang lalawigan lalo na sa Culasi.
Matatandaan na dumating ang mga cabinet officials noong nakaraang linggo, una nitong hiniling na huwag pabayaan ang Antique kahit na maliit lang ito na lalawigan.
Sa ngayon, base sa talaan ng Provincial Social Welfare and Development Office, mayroon nang higit sa 70 mga pamilya ang nananatili sa evacuation centers.
Apektado rin ng bagyo ang 18 mga bayan, 523 ka barangays, at higit sa 50,000 mga pamilya sa lalawigan.
Nasira rin ang mga hanging at footbridges at iba pang mga istruktura.
Sa latest report ng Department of Agriculture Region 6, umaabot sa P199.8 million ang halaga ng mga pananim na nasira ng bagyo.
Sa 36 naman na naitalang patay sa Western Visayas, 13 ang nagmula sa Antique.