-- Advertisements --
PBBM 2

Hindi nakikita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mangyayari ang pagkuha ng pera ng mga government owned and controlled corporations para gawing kapital sa tina-trabahong Maharlika Investment Fund o sovereign wealth fund.

Tugon ito ni Pangulong Marcos sa planong re engineering ng kongreso o pagbabago sa mga probisyon  ng panukala.

Sa isang panel interview ng mga mamahayag  sa malakanyang ngayong araw, sinabi ng pangulo na ang posibleng paghugutan ng kapital para rito ay sa dibidendo ng mga  ahensiya ng gobyerno at public private partnerships.

Kaya naman, hinahamon ng pangulo ang kongreso na galingan at suriing mabuti ang mga bagay na ito saka plantsahing maigi.

Pagbibigay diin  ng pangulo, mas mabuti nang maging tama ang paglalatag ng mga probisyon ng batas kesa mabilis itong tapusin nang marami namang makikitang butas kalaunan.

Kumbinsido naman ang pangulo na isa itong proseso na kailangang paghandaang mabuti para maging pulido at maipatupad nang hindi  hilaw o minadali.