-- Advertisements --
PBBM 1

Hinikayat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isailalim na sa state of calamity ang buong Pilipinas.

Ito ay dahil pa rin sa matinding pananalasa ng Bagyong Paeng sa malaking bahagi ng bansa na kumitil sa buhay at nakaapekto sa maraming Pilipino.

Iminungkahi ito ni NDRRMC Executive Director and Office of Civil Defense Administrator Raymundo Ferrer sa pangulo sa isang briefing kung saan inirekomenda niya na magdeklara ng national state of calamity sa loob ng isang taon, maliban na lamang kung mas maaga aalisin ito.

Paliwanag ni Ferrer, 16 sa 17 mga rehiyon kasi sa bansa ang tinatayang kasama sa mga high risk na lugar.

Sa ngayon kasi ay nasa 64 na mga lalawigan naman ang nasa 850-kilometer diameter ng bagyo, kung saan 25 dito ang kabilang sa high risk.

Bukod dito ay idinagdag din ng opisyal na batay sa kanilang naging pre-disaster risk assessment, 15 sa 17 mga rehiyon sa bansa at ang kabuuang 21,148 barangay ang maaapektuhan ng pananalasa ng bagyong Paeng noong Oktubre 28, 2022.

Ngunit tugon naman ng pangulo na hihintayin muna niya ang magiging resolusyon ng ahensya para sa mga rehiyong apektado ng kalamidad at ngayo’y isasailalim na sa state of calamity tulad ng Region 5 at Bansamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“Maraming regions are affected, that already justifies the state of calamity. Let me wait for your resolution and tignan ko. It looks like especially Region 5, BARMM is going to be put under a state of calamity, kahit yun lang muna.” ani Pangulong Marcos Jr.

Ang pagsasailalim sa bansa sa state of calamity ay magbibigay-daan sa pamahalaan na magkaroon ng dadag na pondo para sa disaster relief, gayundin sa pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga apektadong lugar.

Samantala, bukod dito ay inirekomenda rin ni Ferrer sa pangulo ang pagtanggap ng mga alok na tulong mula sa ibang mga bansa batay sa mga kaukulang pangangailangan ng Pilipinas.