Ipinaabot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang pagbati habang ipinagdiriwang ng buong mundo ang Chinese New Year 2023.
Sinabi ng Pangulo na sa pamamagitan ng mga pagdiriwang, nakikilala ang mga ugnayang nagbubuklod sa atin bilang isang pamilya, isang komunidad, at bilang isang bansa.
Aniya, habang ipinagdiriwang ang bagong taon ng mga Chinese, dapat rin umanong bigyang pansin ang yaman ng kultura at kasaysayan na naging dahilan upang maging makulay at masigla ang ating bansa sa kasalukuyan.
Higit pa rito, hinimok ni Pangulong Marcos ang lahat na tumuon sa muling nagpapatibay sa mga buklod ng pagkakamag-anak at pagkakaibigan na nagbigay-daan na makayanan ang lahat ng hamon at malampasan ang mga pagsubok na dumating sa buhay ng mamamayan.
Dagdag dito, todo ang galak ng pangulo para sa mga Filipino-Chinese na kabilang sa komunidad ng bansa dahil panibagong kabanata muli ang kanilang kahaharapin sa buhay.
Una na rito, iginiit pa niya na bilang mga Pilipino, dapat na magtulungan at magkaisa ano pa man ang lahi para sa ikauunlad ng ating bansa.