-- Advertisements --
PBBM 3

Humingi ng paumanhin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pansamantalang pagsasara ng airspace ng Pilipinas noong Araw ng Bagong Taon.

Sa kanyang naging pahayag, humingi siya na paumanhin sa mga mamamayang Pilipino lalung-lalo na sa mga nanggaling pa ng abroad dahil naging limitado lamang ang kanilang naging bakasyon.

Aniya, nakipag-usap na ang pangulo sa mga kinauukulang opisyal para sa mga hakbang upang matiyak na hindi na mauulit ang nangyaring insidente.

Kung matatandaan, sa unang araw ng taong 2023, hindi bababa sa 282 flight papunta at mula sa Maynila ang kinansela, na-divert, o naantala dahil sa pagkawala ng kuryente sa Air Traffic Management Center (ATMC) na kung saan nasa 56,000 na mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport ang apektado.

Nauna nang sinabi ni Civil Aviation Authority of the Philippines director general Manuel Tamayo na nabigo ang isa sa mga uninterruptible power supply (UPS) bandang 9:50 ng umaga noong Linggo, at kailangang gawin ang troubleshooting activities.

Noong na-reconnect na ang system sa power supply, ang mga babala ay inilabas na sa oras ng katanghalian dahil sa sobrang boltahe na 380 volts na sa halip na 220 volts lamang ang pumapasok.

Una na rito, naapektuhan nito ang very small aperture terminal (VSAT) na kailangan ding tugunan kaya naman ang sistema ay bahagyang naibalik alas- 4 ng hapon noong Linggo, at nagbalik ang normal na operasyon sa alas-5:50 ng hapon.