-- Advertisements --

LAOAG CITY – Ikinalulugod ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na ipahayag ang paglulunsad ng kauna-unahang Tourist Rest Area sa buong Luzon sa bayan ng Pagudpud dito sa lalawigan Ilocos Norte.

Ayon sa kanya, ito ay matatagpuan sa Brgy. Saud sa nasabing bayan upang lalo pang makaakit ng mga turista at dayuhan na bumisita sa lalawigan.

Aniya, bukod dito, may iba pang tourist attraction tulad ng Kabigan Falls, Patapat Viaduct, Blue Lagoon, Bantay Abot Cave, Sabang Beach, Dos Hermanos Island, Pannzian River at Farm Tour.

Paliwanag niya, bago makarating sa mga tourist destination na ito, dadaan din sila sa Bangui Windmills at Kapurpurawan Rock Formation sa mga bayan ng Bangui at Burgos.

Nabanggit niya, ang bubong ng 2-storey building ay gawa sa anahaw na isang tradisyonal na materyal dito sa Ilocos Norte at pinoprotektahan laban sa sobrang init ng panahon.

Kaugnay nito, ipinagmalaki ni Pangulong Marcos na dito lamang matatagpuan ang mga produktong inaalok sa lalawigan dahil gawa ito ng mga lokal na producer.

Mayroon din aniyang Pasalubong Center kung saan makikita ang mga souvenir, lokal na produkto at delicacy tulad ng mushroom chips, bagnet chips, virgin coconut oil at iba pa.

Dagdag pa niya, iaalok din ang mga local weave products o gawa sa mga abel tulad ng bag, kumot at table runner.

Ang Saud Beach Resort ay isa sa 25 na ginawaran bilang Most Beautiful Beaches in the World.

Samantala, sinabi ni Department of Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco na ang proyekto ay makakatulong sa ekonomiya ng Ilocos Norte na mas uunlad pa.