Abala ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa magkakahiwalay na aktibidad sa mga lugar sa Luzon at Visayas ngayong araw.
Ganap na alas-8:00 ng umaga magsisimula ang aktibidad ng Pangulong Marcos na kung saan ay magsasagawa ito ng aerial inspection sa mga lugar na hinagupit ng bagyong Paeng, na susundan ng pagbibigay ng tulong sa mga apektadong residente at situation briefing hinggil sa lawak ng naging pinsala ng nagdaang kalamidad.
Pagkagaling sa Antique ay tutungo naman ang Pangulo sa Leyte para pangunahan ang ika-siyam na paggunita sa super typhoon Yolanda na gagawin sa Holy Cross Memorial Gardens, Tacloban City na susundan din ng pamamahagi ng tulong sa Academic Center Gymnasium, Palo, Leyte.
Mula Antique at Leyte ay agad na tatahakin naman ng Pangulo ang Region 3, partikular ang Floridablanca sa lalawigan ng Pampanga.
Dito ay sasaksihan naman ng presidente ang pagtanggap, opisyal na turn-over at gagawing pagbabasbas ng ground based air defense system at ng C295 medium lift aircraft.
Bahagi ito ng pangako ng punong ehekutibo para sa modernization program ng sandatahang lakas ng ating bansa.