Pasok na sa witness protection program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) ang pangunahing testigong si Allison Chiong laban sa mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na umano’y sangkot sa “pastillas scheme.”
Ayon kay DOJ Sec. Menardo Guevarra, inilagay na ang testigong si Chiong sa provisional WPP ngayong araw.
Pero kailangan pa umanong busisiin ng DOJ ang kanyang mga dokumento para maipasok ito sa full coverage ng WPP.
Maalalang hiniling ng mga mambabatas kahapon na mailagay si Chiong sa WPP kasunod na rin ng pag-amin nitong nakakatanggap siya ng banta sa buhay dahil na rin sa pagbubunyag nito sa pastilla scheme sa BI.
Sa pastillas scheme, sinabi ni Chiong na parang nakabalot na pastillas ang perang suhol mula sa mga Chinese nationals na dumarating sa bansa na karamihan ay nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs sa bansa.