VIGAN CITY – Ipinaliwanag ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na ang mga isinasagawang survey sa darating na May 13 midterm election ay hindi pinakamainam na gabay para sa mga botante kung sino ang kanilang iboboto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Comelec spokesman James Jimenez, sinabi nito na ang mga survey ay nagpapakita lamang ng kung sino ang mga kandidato na sikat sa ngayon habang nalalapit ang halalan.
Aniya, hindi umano ibig sabihin na kapag nanguna na sa survey ay sa kanya na ang unang puwesto para sa isang partikular na posisyon.
Idinagdag nito na ang mga kabilang sa survey ay maaaring mabago, depende sa mga mangyayari sa mga susunod na araw kaya hindi dapat na dito nakadepende ang mga botante.
Pinayuhan ni Jimenez ang publiko na tingnan lamang nila ang mga lumalabas na survey sa ngayon ngunit huwag nilang gagawing basehan sa kanilang pagboto sa Mayo.