Umaabot sa 400 pang mga seafarers ang naisailalim ng Philippine Coast Guard (PCG) sa swab sample collection mula sa dalawang bagong dating na mga cruise ships na nakahimpil sa Manila Bay anchorage area.
Nasa 284 na mga Pinoy crew ng MV Nieuw Amsterdam ang na-swab test habang umaabot naman sa 118 na OFW ang sakay ng MV Crystal Serenity.
Ang mga medical personnel ng Coast Guard ay sakay ng BRP Malabrigo (MRRV 4402) at tinungo ang mga higanteng barko.
Inabisuhan naman ang mga seamen na manatili muna sa isolation habang inaantay ang resulta ng kanilang COVID-19 RT-PCR tests sa loob ng ilang araw bago payagang makababa ng mga barko.
Una nang tiniyak ng pamahalaan na hindi na nila patatagalin ang pananatili ng mga OFW sa quarantine sites upang hindi maulit ang pagkatengga ng maraming dumarating na overseas workers na ang iba ay inabot pa kamakailan ng mahigit sa isang buwan.