Nasa Pilipinas na ang panibagong batch ng 500,000 doses ng vaccines mula sa Chinese firm na Sinovac Biotech.
Ito na ang ika-anim na batch ng Sinovac na dumating sa Pilipinas sakay ng chartered flight na Cebu Pacific mula sa China.
Sa ngayon umaabot na sa 3.5 million na doses ng Sinovac o Coronavac ang kabuuang dumating sa Pilipinas kasama na ang donasyon ng Chinese government.
Bilang bahagi ng polisiya, sumailalim muna sa disinfection ang mga bakuna sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago umalis ang mga trucks kaninang pasado alas-8:00 ng umaga patungong Marikina City.
Una rito, aabot na sa higit 1.8 million doses ng COVID-19 vaccines ang naiturok ng pamahalaan matapos ang halos dalawang buwan mula nang mag-umpisa ang vaccination rollout sa Pilipinas.
Batay sa datos ng Department of Health at National Task Force against COVID-19, ang 88% o higit 1.5 million ng alokasyong 1.7 million doses ang naiturok bilang first dose.
Habang higit 246,000 ang naibahagi na bilang second dose.
As of April 27, higit 3,400 vaccination sites na raw sa buong bansa ang nagrorolyo ng COVID vaccines.
Sa ngayon nasa 3,525,600 na ang COVID-19 vaccine doses na hawak matapos madagdagan ng 500,000 doses ng Sinovac noong April 21.
Nilinaw ng DOH at NTF na tanging mga healthcare workers, senior citizens, at populasyon ng may comorbidity o ibang sakit ang tinuturukan ngayon ng mga bakuna.
Samantala ang pagdating mga bagong bagong bakuna ay kasunod nang report ng Department of Health na nakapagtala sila ng panibagong 6,895 na karagdagang kaso ng COVID-19.
Marami rin naman ang gumaling na pasyente na umaabot sa 10,739.
Pero umaabot naman sa 115 ang mga bagong namatay.
Dahil dito mahigit na sa 17,000 ang death toll sa bansa o kabuuang 17,031.