KORONADAL CITY- Nagpositibo sa drug test ang anim na panibagong inmates sa isinagawang random drug testing sa South Cotabato Rehabilitation and Detention Center.
Ito ang kinumpirma ni OIC Jail Warden Lory Celeste sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Celeste, nagsagawa sila ng random drug testing matapos na nakatanggap ng report na may illegal drugs sa Selda 1.
Kaya’t sa 24 na inmates na isinailalim sa drug test, 6 ang nagpositibo.
Dagdag pa ni Celeste, may tatlong mga bilanggo din mula sa ibang selda na umamin na gumagamit ng ipinagbabawal na droga na agad na hiniwalay sa mga kasamahan nito.
Sa ngayon, iniimbeatigahan ng pamunuan ng jail ang involvement ng mga jail guards sa pagpupuslit ng droga sa loob.
Sa katunayan, nagsagawa na rin ng balasahan sa mga guwardiya at malalimang imbestigasyon upang makilala ang mga sangkot.
Kaugnay nito, agad na kinansela na ni Celeste ang araw ng dalaw tuwing Huwebes para sa ilang kamag-anak ng mga inmates.
Ngunit mananatili ang para sa immediate family at conjugal visit para sa mga may asawa.
Aminado naman si Celeste na malaking hamon ngayon sa kanyang pamunuan ang panibagong kaso mga droga lalo na at may mga magpositibong inmates.
Napag-alaman na karamihan sa mga inmates sa jail ay may kaso kaugnay sa illegal na droga.