Ikinatuwa ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” C. Remulla ang warrant of arrest na inilabas ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) laban sa leader ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo C. Quiboloy at limang iba pa para sa kasong qualified human trafficking.
Matapos ang masusing pagsusuri sa mga ebidensya at mga supporting documents kaugnay ng kaso, nakita ng Pasig RTC ang probable cause para iutos ang agarang pag-aresto kina Pastor Quiboloy, Jackielyn W. Roy, Sylvia Cemañes Cresente, Paulene at Ingrid Canada dahil sa human trafficking.
Ito ang ikalawang wave ng arrest warrant na inilabas laban sa embattled preacher matapos ang arrest order na inilabas ng Davao Regional Trial Court (RTC) laban kay Quiboloy para sa child/sexual abuse nitong nakaraang buwan.
Ayon kay Remulla, ang naturang mga warrant of arrest na ito ay patunay lamang ng mahusay na sistema ng hustisya sa bansa.
Aniya, nagpapakita lamang ito na ang gobyerno ay agresibo sa paghahabol at pagpapanagot sa mga accountable individuals na lumabag sa batas anuman ang kanilang katayuan sa buhay at sa lipunan.