KORONADAL CITY – Panibagong mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Karialan Faction kabilang ang isang BIFF field commander ang boluntaryong sumuko sa mga otoridad sa North Cotabato at Maguindanao kasabay ng selebrasyon ng araw ng mga puso.
Ito ang kinumpirma ni Lieutenant Colonel Edgardo Vilchez Jr, Commanding Officer ng 34IB, PA.
Ayon kay Vilchez, dalawang batch ang sumukong mga BIFF na umabot sa 14 kasama ang field commander ng Karialan Faction.
Kinilala ang sumukong kumander na si alias Malayo at mga tauhan nito na lumapit sa Council of Elders ng Midsayap, North Cotabato bago tuluyang sumuko sa headquarters ng 34IB sa Barangay Salunayan.
Sinundan agad ng grupo ng BIFF combatant na si alias Nick Taro sa Northern Kabuntalan, Maguindanao.
Bitbit ng mga sumukong BIFF extremists ang mga high-powered firearms at mga war materials gaya ng Garand Rifles, Sniper Rifles, RPG at maraming iba pa.
Isa sa mga dahilan ng pagsuko ng mga ito ay ang pinalakas na operasyon ng military, local PNP at community leaders upang mahuli ang mga ito.
Sa ngayon, umaasa naman ang mga otoridad sa lugar na madaragdagan pa ang mga susukong kasapi ng BIFF bago pa man ang eleksiyon sa Mayo.