NAGA CITY – Isa na namang bloke ng pinaniniwalaang cocaine ang narekober sa baybaying sakop ng Sitio Sinia, Brgy. Pambuhan, Perez, Quezon.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na isang mangingisda sa katauhan ni Jovenson Peñaredondo Etorma ang namumulot ng mga basura sa baybayin sa naturang lugar nang matanaw nito ang isang package.
Kaugnay nito, agad namang kinuha at ipinaalam ni Etorma ang tungkol sa napulot na bagay sa barangay official na agad ding na-turn over sa kapulisan.
Nabatid na humigit kumulang sa isang kilo ang bigat ng naturang substance.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Provincial Laboratory sa Lucena City ang nasabing package para sa gagawing eksaminasyon.
Una rito, magkailang beses nang may narekober na mga package na nagpapalutang-lutang sa karagatan na sakop ng iba’t ibang bayan sa Quezon na kalauna’y nagpopositibo sa cocaine.