-- Advertisements --

(Update) LEGAZPI CITY – Hinihintay pa ngayon ang resulta ng isinagawang laboratory test sa nadiskubreng isang bloke ng pinaniniwalaang cocaine sa karagatang sakop kang bayan ng Rapu-Rapu, Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Capt. Dante Bonafe, hepe ng Rapu-Rapu Municipal Police, nakuha ng tatlong mangingisda ang nasabing bloke ng suspected cocaine na nakalutang sa dagat malapit sa boundary ng Prieto Diaz, Sorsogon.

Kinilala ang mga ito na sina Nilo Aguilar, 38, na isa ring tanod; Joy Dungaran, 42; at si Joven Cambi, 24, na pawang residente ng Barangay Sta. Barbara ng parehong bayan.

Ayon sa mga mangingisda, nakasabit sa “palutang” o net na pangingisda ang nasabing bloke.

Sinabi naman ni Bonafe, walang markings ang bloke hindi gaya noong mga naunang narekober dahil tinanggal na umano ng mga mangingisda ang balot sa pag-aakalang pera ang laman.

Dagdag pa ng hepe, aabot sa humigit-kumulang isang kilo ang timbang ng droga.