DAGUPAN CITY — Isang malaking pasakit sa hanay ng transportasyon ang pagsalubong ng Bagong Taon sa panibagong dagdag-singil sa presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ramon Ramos, President ng Urdaneta TODA, binigyang-diin nito na isa na naman itong hamon para sa mga drayber na kumakayod maghapon para lamang sa kakarampot na kita kumpara sa mga mahal na presyo ng pangunahing bilihin ngayon.
Aniya na bagamat inasahan na ng kanilang hanay ang muling taas-singil sa krudo nitong Bagong Taon ay ikinabigla pa rin nila ang halos P3 dagdag sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Dahil dito ay napilitan na lamang silang mag-gasolina ng maaga upang makatipid nang bahagya.
Maliban dito aniya ay malaki rin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa ilang drayber, kung saan ay pinipili na lamang umano ng iba na bumalik sa bukid at magtanim.
Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin si Ramos na sa kabila nito ay naka-ambag pa rin sa kanilang kita ang pag-uwi ng mga byahero sa probinsya noong nakaraang Holiday season, sa kabila naman ito ng kanyang pagdidiin na nakaasa na lamang ang kikitain nila ngayon sa mga estudyante na magsisibalik-eskwela at mga lokal na residente na pumupunta ng palengke.
Kaugnay nito ay inihayag din ni Ramos ang kawalan ng suporta ng lokal na pamahalaan ng kanilang lugar partikular na sa patuloy na paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo gaya na lamang ng matagal nang naipangako sa kanila na fuel subsidy na magpahanggang sa ngayon ay hindi pa rin naipapamahagi sa kanilang hanay.
Subalit malaki naman aniya ang naibibigay na tulong ng mga kinauukulan sa kanilang hanap-buhay gaya ng pagsiguro at pagtugon nila upang maayos ang daloy ng trapiko na nakatutulong naman sa mga drayber na kumunsumo ng maliit na halaga ng gasolina.
Panawagan naman nito sa gobyerno na sana ay maibigay na sa kanila ang matagal nang ipinangakong fuel subsidy na magiging isang napakalaking tulong sa hanay ng trabsportasyon lalo na sa mga panahong patuloy na umiiral ang nararanasang krisis sa enerhiya.
Maliban dito ay pinaalalahanan din ni Ramos ang kapwa niya mga drayber at gayon na rin ang mga motorista at mga komyuter na pagibayuhin ang kanilang pag-iingat lalo na kung nasa kalsada upang maiwasan ang anumang sakuna o aksidente.