-- Advertisements --
raul diaz jara
Dr. Raul Diaz Jara

Patuloy ang panawagan ng grupo ng mga doktor ng dagdag na pangangailangan sa pagharap sa problema sa COVID pandemic matapos umabot na apat na mga doktor ang namatay sa Pilipinas.

Ayon kay Phil Medical Association president Dr. Jose Santiago, ang pagkamatay ng kanilang miyembro ay nagpapakita lamang na walang pinipili ang deadly virus.

Kaya naman patuloy ang apela ni Dr. Santiago ng sapat na kagamitan tulad ng N95 masks at personal protective equipment (PPE) .

Ilan umano sa namatay na doktor ay walang sapat na PPE at meron ding pasyente umano na hindi nagsasabi ng buong history sa taglay na sakit.

Samantala ang asosasyon ng mga doktor ay nag-order na rin daw ng dagdag na face masks sa China at South Korea na posibleng dumating ngayong linggo.

Una nang kinilala ng Philippine Heart Association (PHA) ang panibagong casualty sa mga front liners na si Dr. Raul Diaz Jara, na dati ring presidente ng kanilang grupo.

Tinawag pa si Dr. Jara bilang “one of the great pillars of cardiology” sa Pilipinas.

“It is with profound sadness that we announce the loss of one of the great pillars of cardiology, PHA past president Dr. Raul Diaz Jara. He was a great father, teacher, mentor, poet, author, singer, colleague, friend,” bahagi pa ng statement ng PHA.

Kasabay nito nagpaabot naman nang pasasalamat ang naiwang pamilya sa mga nag-alaga at nag-alay nang dasal para kay Dr. Jara.

Statement of Dr. Jara’s family

jara fam

Bago pumanaw si Dr. Jara namatay naman ang 34-anyos na si Dr. Israel Bactol na mula rin sa Philippine Heart Center at ang anesthesiologist na si Dr. Gregory Macasaet ng Manila Doctors Hospital.

Ang DOH ay hindi naman naglabas ng kumpirmasyon kung ilang manggagamot na ang pumanaw sa Pilipinas dahil sa COVID-19.

Sa kaugnay namang balita, bilang pagkilala sa mga front liners nakatakda namang pirmahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas kung saan kabilang sa mga nakapaloob ang pagbibigay ng cash aid para sa mga health workers.

Nakasaad sa inaprubahang panukala ng Kongreso na ang mga public health workers na nahawa sa sakit ay makakatanggap ng P100,000 mula sa pamahalaan, habang ang lahat ng medical practitioners na binawian ng buhay dahil sa COVID-19 ay bibigyan naman ng tig-P1 million kada isa.

Sa ngayon meron nang mahigit sa 500 kaso ng COVID-19 sa Pilipinas batay naman sa datos mula sa DOH.