CENTRAL MINDANAO- Nais tiyakin ni Cotabato Province Governor Catamco na magiging maayos at plantsado ang pagpapatupad ng pre-emptive lockdown sa buong lalawigan.
Kasunod nito, naglabas ng Executive Order No.24 ang gobernadora na nagsasaad ng mga malinaw na alituntunin sa ipinatutupad na EO 21.
Narito ang mga guidelines sa checkpoints.
- Pitong COVID-19 checkpoints ang inilatag sa mga hangganan ng lalawigan partikular sa Arakan entry point, Banisilan entry point , Carmen entry point, Makilala entry point, Midsayap enrtry point, Pigcawayan at Tulunan entry points.
- Ang COVID-19 checkpoints ay bukas 24/7 hanggang Abril 14, 2020, ang pagtatapos ng Pre-emptive lockdown.
- Minamanduhan ang mga militar at pulisya o mga CVO ng syudad o munisipyo na siyang magbantay sa mga checkpoints.
- Minamanduhan rin ang mga Rural Health representatives na maging present sa mga checkpoints upang matiyak na maipatupad ng tama ang lahat ng health protocols sa lahat ng oras.
5.Ang lahat ng mga dadaan sa checkpoints ay kailangang sumailalim sa thermal scanning at yaong mga nakasakay ng pribadong mga sasakyan ay kukuhanan ng temperatura habang sila ay nasa kanilang mga sasakyan.
- Maglagay ng lubid upang maihiwalay ang pangkalahatang publiko mula sa AFP/PNP/BFP, medical practitioners, mga senior citizens, mga buntis at mga may kapansanan.
- Habang isinasagawa ang thermal scanning, mahigpit na ipatupad ang isang metrong distansya ng bawat isa bilang pagsunod sa social distancing.
- Mahigpit na ipatupad ang tamang ugali sa pagpila. Bawal ang pag singit.
- Bawat checkpoint ay mayroong pansamantalang palikuran o portable toilets. Isa para sa mga lalaki at isa rin sa kababaihan.
- Maglagay ng mga tarpaulins na nakalatag ang mga lockdown protocols at mga lane directions sa lahat ng checkpoints.
- Nakahanda rin ang isang isolation area sakaling mayroong traveller na posibleng makitaan ng sintoma.
- Sakali man na mayroong makitaan ng sintoma, inaatasan ang RHU representative na agad tumawag sa provincial hotline at mag request ng nakalaang sasakyan upang ibiyahe ito sa Cotabato Provincial Hospital Triange area para sa kaukulang assessment at disposisyon
- Inoobliga ang lahat ng dadaan sa checkpoint na magpakita ng katibayan na sila ay residente ng lalawigan. Sakaling walang maipakitang ID o anumang katibayan, sinumang opisyal ng barangay, munisipyo, syudad o probinsya ay maaring magbigay ng sertipikasyon ng paninirahan nito sa Probinsya ng Cotabato.
- Ang mga hindi residente ng lalawigan ay bawal pumasok maliban na lamang sa mga sumusunod:
a. Mga may kinalaman sa delivery ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo.
b. Mga magdadala ng pagkain, mga medical supplies, agricultural products, produktong petrolyo at iba pang basic commodities.
c. Mga armored vehicles ng mga bangko at iba pang finnancial institutions.
d.Mga miyembro ng AFP/PNP/BFP, Medical at Media.
e. Mga nagta trabaho sa probinsya at inaatasang mag trabaho ng kanilang opisina.
f. Mga dadaan lamang sa probinsya ngunit kailangan nilang mag presenta ng katibayan na sila ay residente ng kalapit na lalawigan at aalis kaagad matapos nilang makadaan.
Sa mga entry points na walang checkpoints tulad halimbawa ng mga bumibiyahe sa pamamagitan ng mga ilog sa hangganan ng bayan ng Pikit, Pagalungan at Datu Montawal, inaatasan ang mga Barangay peacekeepers na siguraduhing walang makakapasok na may sintomas ng COVID-19.
Sakaling may mamataan, inaatasan ang mga Barangay peacekeepers na agad e-isolate ang mga ito at e-refer sa kaukulang Rural Health Unit o RHU.
Inaatasan din ang militar at pulisya na manduhan ang lahat ng mga pampublikong sasakyan tulad ng bus, van, jeep, tricycle, habal-habal at multi-cabs na limitahan ang kanilang mga pasahero at mahigpit na ipatupad ang isang metrong distansya bawat pasahero alinsunod sa ipinatutupad na social distancing gayundin ang regular na pag disinfect ng kanilang mga sasakyan.
Inaatasan din ang militar at pulisya na mahigpit na ipatupad ang pagbabawal sa mga pagtitipong panrelihiyon, sports, cultural at iba pang social gatherings.
Patuloy na nananawagan ang gobernador na mahigpit na sundin ang mga health protocols, disiplina sa sarili para na rin sa kaligtasan ng lahat at naway maging COVID-FREE ang lalawigan hanggang sa matapos ang problema.
Ang EO 24 ay nilagdaan ni Governor Catamco noong Marso 19,2020.