NAGA CITY – Nagpababa ng panibagong kautusan ang Provincial Government ng Camarines Norte kaugnay ng pagpapatupad ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Sa memorandum circular No. 27 s. 2021 na ibinaba ni Gov. Edgardo Tallado, nakapaloob dito na simula ngayong araw, Agosto 5, 2021, mas hihigpitan ang pagpapatupad ng mga estratehiya laban sa COVID-19.
Ito ay para mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit lalo na ang “Delta Variant.”
Kaugnay nito, ang curfew hours ay magsisimula ng alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Ngunit nilinaw naman dito na hindi sakop ng naturang curfew ang operasyon ng mga health facilities, clinics at mga drug stores gayundin ang pagpasok sa trabaho ng mga empleyado o frontline health workers ng naturang mga opisina.
Mahigpit naman na pinagbabawal ang paglabas ng mga nasa edad 17-anyos pababa gayundin ang mga nasa edad 66-anyos pataas maliban na lamang kung mayroong “medical/health emergencies”.
Samantala, ang nasabing mga panuntunan ang batay sa Health Protocols ng Department of Health (DOH).